NARDONG PUTIK: Mahiwaga, Malupit, at Hindi Malilimutan sa Kasaysayan ng Cavite

Noon pa man, kilala na ang mga Pilipino sa hilig sa mga kababalaghan. Mahilig tayo sa mga taong may supernatural na kapangyarihan, sa mga agimat at anting-anting, at sa mga misteryong nagmumula sa ating mga ninuno. Sa bawat sulok ng bansa, may kwento ng kababalaghan, ngunit iisa lamang ang pangalan na tumatak sa puso ng Cavite at ng buong bansa—Nardong Putik.

Isa siya sa pinakakilalang personalidad sa kasaysayan ng probinsya. Kilala bilang public enemy number one, naging alamat siya sa sariling panahon at sa pop culture ng Pilipinas. Ngunit sino ba talaga si Nardong Putik? Bayani ba o kriminal? Totoo ba ang mahiwagang agimat na sinasabing nagbigay sa kanya ng kapangyarihan?

Isinilang si Leonardo Maneso noong ika-25 ng Marso 1925 sa isang simpleng pamilya sa Cavite. Noon, ang lugar ay punong-puno ng gubat, madamo, at pugad ng krimen—mga magnanakaw, carnappers, at smuggler. Sa ganitong kapaligiran, ang proteksyon ay isang pangunahing pangangailangan, at dito nagsimula ang koneksyon ng pamilya ni Nardo sa mga maimpluwensyang tao.

Naging malapit ang ama ni Nardong Putik kay Jose Bargaza, mula sa angkan na may kontrol sa Dasmariñas. Ngunit sa kabila ng proteksyon, nasawi ang ama ni Nardo sa kamay ng mga kalaban sa pulitika. Dito nagsimulang magbunga ang galit at poot sa kaloob-looban ni Nardong Putik. Ang kabataang Leonardo ay unti-unting nagising ang katauhan ni Nardong Putik—isang mandirigma, isang rebelde, at sa huli, isang pugante.

Nagsimula siya bilang driver at kalaunan ay pulis sa Dasmariñas. Ngunit hindi naglaon, ang kanyang pangalan ay nauugnay sa hindi mabilang na kaso: pagnanakaw, pangingidnap, pagdadala ng armas, at ilegal na pagtatanim ng marijuana. Ang kanyang grupo ay kinatatakutan—ang tanging hari ng Cavite, ayon sa alamat.

Isa sa mga pinakasikat na bahagi ng alamat ni Nardong Putik ay ang mahiwagang agimat. Sinasabing siya ay hindi tinatablan ng bala, may kakayahang magtago sa putik, at may medalyon o tattoo na nagbibigay sa kanya ng supernatural na proteksyon. Ang katauhan ni Nardong Putik ay naging simbolo ng misteryo at kababalaghan: isang taong labis na tinatangi ng ilan at kinatatakutan ng marami.

Noong 1952, dahil sa galit at paghihiganti, nanguna si Nardong Putik sa tinaguriang Maragondon Massacre, kung saan maraming tao ang ikinamatay, kabilang ang mayor, police chief, at iba pang opisyal. Dahil sa karanasang ito, siya ay nakulong, ngunit noong 1955, siya ay makatakas. At muling bumalik noong 1957 upang manguna sa masalimuot na patayan sa eleksyon, na nagresulta sa pagkamatay ni Lieutenant Colel Lauriano Maraca, ang Provincial Commander ng Cavite.

Ngunit ang alamat ni Nardong Putik ay hindi lamang nakabase sa krimen. Ang kanyang pangalan at reputasyon ay lumaganap sa buong bansa. Sa gitna ng kanyang buhay bilang kriminal, maraming kwento ng kabutihan ang lumitaw—mga kwento na gaya ng Robin Hood: tumutulong sa mahihirap, nagbibigay ng proteksyon sa mga nagiging biktima ng krimen. Maraming magsasaka sa Cavite ang umaasa sa kanya kapag may mga magnanakaw ng baka, at siya ang unang tinatawagan para resolbahin ang problema.

Noong 1969, sa pinakahuling pagkakataon, nakatakas muli si Nardong Putik, ngunit nilagyan na ng presyo ang kanyang ulo: Php2,000 lamang. Ang kanyang buhay ay naging laro ng pusikal at hustisya, isang tuloy-tuloy na banggaan sa pagitan ng batas, politika, at kababalaghan. Napatay niya ang dalawang NBI agents, at nagdulot ng malaking alon sa kapulisan at sa pamahalaan.

Ngunit sa kabila ng lahat, noong 1971, nagtapos ang kanyang paghahari sa Cavite. Sa isang checkpoint sa Imus, tumangging huminto ang kanyang sasakyan, at pinaulanan ng bala ng mga pulis. Sa pagkakataong iyon, tila hindi na gumana ang kanyang agimat—siya ay tinablan ng bala at napatay. Ang legendang Nardong Putik ay nagtapos sa araw na iyon, ngunit ang alamat niya ay patuloy na nananatili.

Sa pop culture, lalo na sa pelikula, ang katauhan ni Nardong Putik ay binigyang-buhay ni Ramon Revilla Sr., dalawang beses, noong 1972 at 1984. Dito, ipinakita siya bilang bayani—may agimat, tumutulong sa mahihirap, at may kapangyarihang higit pa sa karaniwan. Maraming Pilipino ang nakakita sa kanya bilang simbolo ng lakas at katarungan, bagamat sa kasaysayan, siya ay isang kriminal.

Ang mito ng kanyang agimat at anting-anting ay maaaring bunga ng imahinasyon ng masa. Maraming kwento, lalo na sa oral tradition, ang nagdagdag sa kanyang katauhan—ang tangkay ng papaya, kawayan, at mga tattoo ay simbolo ng kababalaghan na hinango mula sa kulturang Pilipino. Ngunit sa kabila ng alamat, hindi maikakaila ang tunay na kontribusyon ni Nardong Putik sa kasaysayan ng Cavite: ang takot at respeto na kanyang naiiwan sa bawat tao, mayaman man o mahirap, pulitiko o sibilyan.

Sa huli, si Nardong Putik ay hindi lamang alamat; siya ay simbolo ng dualidad ng tao: kabutihan at kasamaan, misteryo at realidad, hukom at kriminal, protektor at pugante. Ang kanyang buhay ay paalala sa atin na sa bawat lipunan, may mga taong naglalakad sa linya ng batas at alamat, at may kakayahang baguhin ang takbo ng kasaysayan.

Kaya naman, sa paglipas ng panahon, habang ang pangalan ni Nardong Putik ay patuloy na nabibigkas, nananatili sa isipan ng bawat Caviteño at Pilipino ang tanong: totoo ba ang lahat ng kababalaghan tungkol sa kanya, o bahagi lamang ng alamat at imahinasyon ng tao? Isang misteryo na kahit ngayon, dekada matapos ang kanyang kamatayan, ay patuloy na pinagtatalunan, iniimbestigahan, at pinapalaganap sa bawat pelikula, kwentong bayan, at usap-usapan sa kanto.

Si Nardong Putik, sa huli, ay isang symbolo ng kapangyarihan, karahasan, at kababalaghan—isang alamat na ang kanyang pangalan ay mananatiling buhay sa kasaysayan ng Pilipinas, hindi lamang sa Cavite, kundi sa puso ng bawat Pilipinong mahilig sa misteryo at sa kwento ng supernatural.